Camp Vicente Lim – Dalawang miyembro ng Lipa City Police traffic division ang naaresto ng mga elemento ng Regional Special Operations Group at ng Regional Intelligence Division matapos mahuling nangongotong umano sa mga driver ng cargo truck na dumadaan sa kanilang jurisdiction kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Senior Superintendent Rodolfo Magtibay, Calabarzon deputy regional director for administration, ang mga suspek na sina SPO1 Gerardo Mendoza at PO2 Benjamin Pernia, pawang mga miyembro ng Lipa City Police Office.
Ayon kay Magtibay, nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng RSOG at RID matapos makatanggap sila ng mga reklamo sa umanoy pangongotong ng mga naarestong pulis tuwing dadaan sila sa checkpoint ng highway sa Barangay Banay-banay, Lipa City.
Sa nasabing operasyon, nakarekober ang mga awtoridad mula sa mga naarestong pulis ang marked money na nagkakahalaga ng P1,145.00.
Agad namang dinisarmahan sina Mendoza at Pernia ng kanilang service firearm at badge habang isinasailalim sila sa isang custodial investigation at restricted lamang sa base camp dito.
Sa panayam ng PSN kay Superintendent George Dadulo, hepe ng Lipa Police, hindi umano nito kukunsintihin ang maling gawain ng kanyang mga tauhan.
“Hindi ako nagkulang sa paalala sa mga taong yan, lagi ko silang sinasabihang bawal ‘yan, e matitigas ang ulo nila kaya harapin nila ang anumang parusa para sa kanila,” sabi pa ng opisyal.
Nakatakdang sampahan ng kasong robbery-extortion ang mga naarestong pulis at maharap din sa kasong administratibo. (Arnel Ozaeta)