7 bills para sa agrikultura isusulong sa Kongreso

Upang tuluyang maibalik sa pagiging numero uno sa agrikultura sa Asya ang Pilipinas, isusulong ng Department of Agriculture sa Kongreso ngayong taon ang pitong bills upang maging batas na makakatulong sa pag-asenso ng naturang sector.

Partikular sa mga panukalang batas ang pagrekonstruksyon sa National Food Authority, pag-amiyenda sa Agri-Agra Law kung saan mapupunan ang mga butas sa pautang sa agraryo at pag­bigay ng tulong pinansyal sa mga benepisaryo ng agrarian reform law, at pagbuo ng “Magna Carta” para sa mga trabahador sa agrikultura.

Pinasalamatan naman ni Agriculture Secretary Arthur Yap ang Kongreso sa pagpapasa bilang batas sa Agricultural Compe­tetiveness Enhancement Fund (ACEF) na magreresulta sa pagpa­pabilis sa pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan para sa mga programa sa agrikultura.

Sa pamamagitan naman ng restruktura sa NFA, isang multi-bilyong programa ang mabubuo para sa patuloy na produksyon ng bigas at walang tigil na suplay nito sa bansa.  Magiging daan rin sa pagkumpuni sa mga bodega ng bigas na magagamit ng mga magsa­saka 3,000 lugar sa bansa.

Sa pamamagitan naman ng pag-amiyenda sa Agri-Agra Law, maipapalabas ang bilyong piso ng pondo sa mga komersyal na bangko upang tumulong sa pagpapautang sa mga magsasaka. (Danilo Garcia)

Show comments