ILOILO CITY – Umaabot sa 100-katao ang iniulat na nagsilikas patungo sa munisipyo ng Maasin makaraang kumalat ang balitang may tumagas na chlorine mula sa malaking tangke ng Metro Iloilo Water District na posibleng lumikha ng matinding pagsabog sa Barangay Buntalan ng nabanggit na bayan noong Martes ng gabi.
Ipinaliwanag naman ni Engineer Warren Palermo, area manager ng nasabing planta, nag-ugat mismo ang problema mula sa supplier ng kemikal kung saan tumagas ang isang tonelada ng liquefied form ng chlorine na ginagamit sa pagdi-disinfect ng tubig na sinusuply sa malaking bahagi ng Iloilo.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng opisyal na walang dapat ikaalarma ang publiko dahil napigilan na nila ang pagtagas ng kemikal.
Siniguro naman ng supplier ng kemikal mula sa Cebu na kanilang aayusin ang nasirang tangke na siyang pinagmulan ng problema. Ronilo Pamonag