Maagang kinarit ni kamatayan ang isang 3-anyos na lalaki makaraang tamaan ng bala mula sa nililinis na baril ng isang pulis habang sugatan naman ang isang buntis na misis sa Sitio Quadrangle, Barangay Lorega-San Miguel sa Cebu City noong Biyernes.
Naisugod pa sa Cebu City Medical Center subalit napatay dahil sa tama ng bala sa dibdib ang biktimang si Shane Kent Bel Lonzaga na natutulog sa inuupahang bahay ng kanyang inang si Vilma Entera.
Batay sa report ng Cebu City PNP na isinumite sa Camp Crame, ang nasabing bala ng .357 revolver ay tumama rin sa kaliwang binti ng isang pitong buwang buntis na si Brenda Siarez, 34, ka-live- in partner ng suspek na si PO3 Benjamin Herbias Jr.
Naisugod naman sa Chong Hua Hospital si Siarez at kasalukuyang nasa ligtas na kalagayan.
Boluntaryo namang sumuko si Herbias, miyembro ng ‘Alert Team’ ng Cebu City Police Office Security and Service Group (SSG) sa kaniyang superior na si P/Senior Inspector Sarah Jean Recla.
Nabatid na ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng nakalipas na anim na araw na nakasugat ang miyembro ng Cebu City Police SSG ng inosenteng sibilyan sa accidental shooting.
Sa record ng pulisya, noong nakalipas na linggo ay pinaputok ni SPO1 Marcelo Querubin ng nasabi ring unit ang kanyang M 16 rifle na ikinasugat ng barbecue vendor na si Rodrigo Borbon sa Barangay Guba. Joy Cantos