Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang pananambang noong May 14 midterm elections at sa Christmas explosion sa bahay ni Abra Rep. Cecille Luna na ikinasugat ng 11-katao kabi lang ang tatlong anak nito.
Ayon sa Abra Police, hindi nila inaalis ang posibilidad na magkakaugnay ang dalawang insidente na may kinalaman sa matinding alitan sa pulitika.
Sa tala ng pulisya, noong campaign period sa nakalipas na Mayo 14 elections ay pinagbabaril ang Mitsubishi Pajero na ginagamit ni Luna sa pangangampanya sa Abra na ikinasawi ng anim-katao habang nakaligtas naman ang Kongresista.
May teorya ang mga awtoridad na posibleng may koneksyon ang pagtatangka sa buhay ni Rep. Luna at sa pagpapasabog sa tahanan nito sa bayan ng Bangued, Abra.
Dahil sa pagpapasabog sa tahanan ni Rep. Luna ay hindi magkakasama ang pamilya nito sa Bagong Taon kung saan ay mananatili muna sa Metro Manila ang nasabing opisyal habang ang mga anak naman nito ay sa nasa hospital.
Samantala, upang mapayapa ang tensiyon sa Abra ay idineploy ng PNP ang elite Special Action Force (SAF) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga miyembro ng pamilya ng Kongresista.
Sa kasalukuyan ay naka-confine pa rin sa Seares Memorial Hospital, ang alkaldeng anak ni Rep. Luna na si Jendricks Luna na dumaraing ng panlalabo ng paningin bunga ng pagsabog habang na-trauma naman sa insidente ang kapatid nitong si Cromwell at ang isa pa ay nakalabas na ng ospital.Joy Cantos