Sinalakay ng pulisya kahapon ang may 10 bahay sa Naic, Cavite na pinaghihinalaang iniimbakan ng mga di-lisensiyadong baril.
Gayunman, may ibang ulat na sa Tanza naganap umano ang pagsalakay.
Ayon sa isang ulat, kabilang sa nagsagawa ng pagsalakay at paghalughog sa mga bahay sa Barangay Sabang sa Naic bandang alas-3:00 ng madaling-araw ang mga tauhan ng mobile group, special operations group at special weapons and tactics ng Calabarzon Police.
Nagkaroon pa ng tensyon sa lugar nang paputukan umano ng magkapatid na Marlon at Cesar Ona ang mga pulis habang papalapit ang mga ito sa kanilang bahay.
Isisilbi sana ng mga pulis ang warrant laban sa isang Marcial Ona nang barilin sila ng dalawa kaya nagpaputok sila ng warning shot.
Sinasabi naman ng magkapatid na Ona na inakala nilang mga magnanakaw ang mga lumalapit na pulis.
Nakumpiska sa magkapatid ang isang improvised shotgun at converted air gun. (Joy Cantos at Ed Amoroso)