Isang kawal ng Philippine Marines at anim na rebeldeng tumiwalag sa Moro National Liberation Front (MNLF) ang iniulat na napaslang habang lima pa ang nasugatan sa panibagong sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at ng mga rebeldeng grupo sa bahagi ng Sulu kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni Marine Commandant Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino, dakong alas-5 ng umaga nang makasagupa ng tropa ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 11 sa ilalim ng 2nd Marine Brigade na pinamumunuan ni Col. Cesario Atienza, ang grupong tumiwalag sa MNLF na pinamumunuan naman ni Commander Ustadz Habier Malik sa liblib na bahagi ng Barangay Pandan-Pandan, Kalingalang Caluang.
Gayon pa man, pansamantalang hindi isiniwalat ni Dolorfino ang pagkikilanlan ng napaslang na sundalo ng Philippine Marines habang ang isa pang nasugatang sundalo.
Base sa intelligence report, sinabi pa ni Dolorfino na sinalakay ng tropa ng military ang teritoryo ni Kumander Malik kaya anim ang napatay na rebelde na binitbit ang mga bangkay sa pagtakas ng kanilang mga kasamahan habang anim pa ang sugatan sa mga ka laban, dalawa rito ay dinala sa bayan ng Panamao at apat naman sa Jolo.
Narekober ng militar sa pinangyarihan ng sagupaan ang tatlong M14 rifles, tatlong M16 rifles, isang M1 garand rifle, 15 mahahabang magazine na may mga bala at 11 mahahabang magazine.
Sa panig naman ni AFP-Western Command (AFP Westmincom) Commander Major Gen. Nelson Allaga, sinabi nito na posibilidad na may kasamang mga bandidong Abu Sayyaf ang nakasagupa ng tropa.
Nagawa namang makatakas ng mga rebeldeng Muslim matapos na gamiting kalasag ang mga sibilyang residente sa lugar.
Magugunita na noong Abril ay pinigil ng grupo ni Commander Malik si Dolorfino at iba pa nitong mga kasamahang opisyal ng militar at ng government’s peace negotiating team.