CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Tatlong tao ang napatay habang tatlo ang sugatan sa sagupaan ng dalawang pamilya kahapon ng umaga sa Sitio Sagpon, Inang Maharang, Barangay Nagotgot, Manito, Albay.
Ugat umano ng away ng pamilya Dawal at Santillan ang kanilang pag-aagawan sa isang plantasyon ng abaca.
Nakilala ang mga nasawi na sina Gerson Dawal nasa hustong gulang; Christopher Dawal, nasa hustong gulang at kapwa residente ng Barangay Balasbas ng naturang bayan at Jovit Santillan, nasa hustong gulang, residente ng Barangay It-ba ng naturang bayan at pawang mga magsasaka.
Ang mga sugatan na pawang magkakapatid na isinugod naman sa Bicol Regional Training and Teaching ay sina Joseph Santillan, Jessie Santillan at Joel Santillan.
Sa ulat ng pulisya ang insidente ay naganap dakong alas-7:30 ng umaga habang ang pamilya Dawal ay mag-aani sana ng Abaca sa naturang plantasyon na nakita ng pamilya Santillan.
Kaagad naman na tinangkang pigilin ng pamilya Santillan ang balak ng pamilya Dawal na kapwa mga armado ng itak na kung saan humantong sa isang munang mainitang pagtatalo ng dalawang pamilya.
Isa sa pamilya Santillan ang tinangkang tagain ng isang kasama ng pamilya Dawal na nakilalang si Noli Antiquera, subalit mabilis na nakatakbo ito upang iligtas ang kanyang buhay.
Dahil sa naturang pangyayari ay nagsagupa na ang dalawang pamilya na nagtagaan dahil ang mga ito ay pawang armado ng itak hanggang sa bumulagta ang mga nasawi. (Ed Casulla)