CAMP VICETNE LIM, Laguna – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong kalalakihang isinasangkot sa pagpatay sa top fashion designer na si Ernest Santiago sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa bayan ng Pagsanjan, Laguna at Makati City noong Martes ng gabi.
Kabilang sa mga suspek na iniimbestigahan ay sina Zosimo Ragaza, hardinero ng 17-taon ni Santiago; Alex Mosende, 28-taong kasosyo sa negosyo ng biktima; at Anjo Luces, sekretaryo naman ng biktima sa loob ng 8-taon.
Ayon kay P/Senior Supt. Felipe Rojas Jr., Laguna police director, naaresto si Ragaza sa kanyang bahay sa Barangay Mulawin, Pagsanjan, Laguna noong Martes ng hapon at itinuro naman ang dalawang kasabwat na sina Mosende at Luces.
Naaresto sina Mosende at Luces nang masundan ng pulisya sa lamay ni Santiago sa Sanctuario de San Antonio, Forbes Park Subdivision sa Makati City noong Martes ng gabi.
Matatandaang patay na ng matagpuan ang kilalang fashion designer at Coco Banana founder noong dekada-70 matapos paslangin sa loob ng kanyang bahay sa Rizal St. Barangay 2 Pagsanjan, Laguna noong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat, nadiskubre ng stay-out house cleaner na si Paulo Herrera, ang bangkay ng kanyang among si Santiago bandang alas-10 ng umaga kaya kaagad nitong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima matapos paluin ng dumbbell.
Matapos ang tatlong araw, natagpuan ang abandonadong sasakyang Mitsubishi Strada 2007 (VCS-530) ni Santiago sa bayan ng Infanta, Quezon.
Samantala, pansamantalang pinalaya sina Mosendo at Luces para sa preliminary investigation at pinagsusumite sila ng counter-affidavit ng piskalya sa loob ng sampung araw.
Itinanggi naman ng dalawa ang akusasyon ng mga awtoridad na sangkot sila sa pagpatay kay Santiago. (Dagdag ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)