LEGAZPI CITY – Isang piskal ang iniulat na hinaras matapos itong tutukan ng binaril ng isang senglot na lalaki sa Barangay 3 sa bayan ng Camalig, Albay kamakalawa. Rehas na bakal ang binagsakan ng suspek na si Ernesto Malto Jr. ng Barangay Upper Gapo ng nabanggit na bayan. Samantala, nakilala naman ang biktima na si Atty. Wilfredo Guerrero, 42, may asawa, nakatalaga Provincial Prosecutor’s Office sa Legazpi City at residente ng nasabing barangay. Napag-alamang kinakausap ng biktima ang isang nagngangalang Lilia Gomez sa harapan ng kanyang bahay nang lapitan at tutukan ng baril ng suspek. Kaagad naman natabig ng biktima ang baril na ipuputok sana ng suspek at nagtatakbo patungo sa direksyon ng himpilan ng pulisya. Nakahingi naman ng saklolo ang biktima hanggang sa masakote ang suspek na lango pa sa alak nang dalhin sa presinto. Inaalam ng pulisya kung anong motibo ng suspek para tangkang patayin ang biktima. Ed Casulla