LEGAZPI CITY – Inako ng pamunuan ng Santos Binamera Command ng New People’s Army (NPA) ang pamamaslang sa ex-chief ng Civil Security Unit na ngayon ay pangulo ng Bahamas Irrigation Association na pinagbabaril sa Ligao City, Albay noong Miyerkules.
Sa press statement na ipinalabas ni Florante Orobia, alyas Ka Greg Banares, tumatayong tagapagsalita ng nasabing grupo, lumilitaw na itinuturong pumatay sa regional coordinator ng Bayan Muna ay ang dating hepe ng CSU na si Expidito Ribayan noong Disyembre 31, 2006.
“Armado at mapanganib si Ribaya kaya napilitan ang mga pulang mandirigma na pa tayin ang una,” giit ni Orobia.
Ayon kay Orobia, si Ribaya, ang responsable sa pagpatay kay Bayan Muna Coordinator Rodolfo “Ompong” Alvarado kaya siningil rin nila ito ng dugo na utang sa bayan.
“Ginamit ni Ribaya ang kanyang pampulitikang koneksyon at impluwensya at ang proteksyon ng AFP upang pagtakpan ang krimen,” dagdag pa ni Orobia kung saan walang maaring ilihim sa kilusan ng CPP-NPA.
“Nguni’t walang bagay na maaaring ilihim sa rebolusyonaryong kilusan na may malawak na suporta ng mamamayan at gumagamit ng siyentipikong paraan ng pagsusuri at pagsisiyasat. Maipapatupad pa rin ang rebolusyonaryong hustisya at sisingilin nito ang mga may malubhang krimen sa mamamayan gaano man ito katagal,” pasaring pa ng nasabing grupo. Ed Casulla at Joy Cantos