Isinailalim sa terror alert ang buong puwersa ng pulisya sa rehiyon ng Mindanao kabilang ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kaugnay ng banta ng grupong kidnap-for-ransom laban sa mga dayuhan kabilang ang US troops at bombing.
Ayon kay P/Chief Supt. Joel Goltiao, ARMM police director, nakaalerto na ang kaniyang mga tauhan sa pakikipagtulungan sa puwersa ng militar laban sa banta ng mga bandidong Abu Sayyaf Group muling maghahasik ng terorismo sa katimugang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Goltiao na nakakatanggap ang pulisya ng intelligence reports hinggil sa planong pag-atake ng mga teroristang Abu Sayyaf.
Ang babala ay isiniwalat ni PNP Chief Director Avelino Razon Jr., base sa ulat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) hinggil sa mataas na banta ng terorismo ngayong Disyembre sa mga kritikal na lugar sa rehiyon ng Mindanao.
Naniniwala naman si Goltiao na hindi maka pagsasagawa ng pag-atake ang mga bandidong Abu Sayyaf kung walang dayuhang organisasyon ang magpopondo sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay patuloy rin ang crackdown operation ng tropa ng militar laban sa dalawang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist na sina Dulmatin at Omar Patek na kinakanlong ng Abu Sayyaf sa Sulu.
Nabatid na si Dulmatin, ay may patong na $10-milyon at si Patek naman ay $1-milyon na kapwa mastermind sa Bali bombing sa Indonesia na kumitil ng 200-katao habang marami pa ang nasugatan noong Oktubre 12, 2002. Joy Cantos