Dalawang crew ang grabeng nasugatan habang tatlo pa ang nakaligtas nang aksidenteng bumagsak ang isang Huey helicopter sa Tanay, Rizal kahapon ng hapon.
Sa inisyal na report, kinumpirma ni Lt. Gen. Horacio Tolentino, Commanding General ng Philippine Air Force ang insidente.
Ayon kay Tolentino, dakong alas-2 ng hapon nitong Biyernes nang bumagsak ang helicopter na magsasagawa ng re-supply mission ng maganap ang insidente.
Ang nasabing aircraft ay galing sa himpilan ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Pinalilipad ng pilotong sina Capt. Pinky Moises at ng co-pilot nitong si Lt. Pascua ang sasakyan nang maaksidente. Dinala ang mga sugatan sa AFP Medical Center sa Quezon City para malapatan ng lunas.
Maliban sa pagsasabing dalawang crew ng helicopter ang nasugatan ay hindi natukoy ng heneral ang pangalan ng mga ito. Isa pa sa mga lulan ng aircraft ay isang kasapi ng Philippine Army. (Joy Cantos)