CAMP OLIVAS, Pampanga – Tinatayang aabot sa P150 milyong kemikal sa paggawa ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad makaraang salakayin ang isang bodega sa Barangay Panilao, Pilar, Bataan, noong Sabado.
Base sa ulat ni P/Senior Supt. Odelon Ramoneda, Bataan police director, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Rolando Tungol ng Abucay Municipal Trial Court, sinalakay ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency at pulis-Bataan, ang malaking bodega na ginawang shabu lab na naunang sinalakay ng mga awtoridad noong Disyembre 2005.
Kabilang sa mga nasabat ng raiding team, ang 11-malalaking balde at 25-half plastic bags na naglalaman ng puting kemikal na pinaniniwalaang ephedrine, 150-botelyang may Chinese marking na naglalaman ng likido, tatlong gas mask, mga pakate ng asin at uling sa loob at labas ng bodega.
Ayon kay Ramoneda, nasabing bodega ay pag-aari ng isang nagngangalang Susan de Leon at ang tumatayong katiwala na si Freddie Bautista.
Kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon ang dalawa dahil sa pagkakadiskubre ng mga kemikal ng shabu para makapagbigay linaw sa nasabing kaso.
Sa tala ng pulisya, ang nasabing bodega na naunang inupahan ng mga Taiwanese ay sinalakay na rin ng mga awtoridad noong Disyembre 2005 matapos sumingaw na ginagawang shabu lab ang naturang lugar.
May posibilidad na may kaugnayan sa sinalakay na shabu lab ang nasakoteng si Emerson Ebido na nakumpiskahan ng 21-kilong ephedrine noong Biyernes ng gabi sa Barangay Calaylayan sa bayan ng Abucay, Bataan, ayon sa pulisya.