Killer drayber nakapatay uli
ORMOC CITY – Nakapatay na naman uli ng isang lalaki ang drayber ng truck na naunang kumitil ng buhay ng anim-katao sa national highway sa Barangay Ipil noong 2006, makaraang salpukin nito ang motorsiklo sa highway na sakop naman ng Barangay Cogon noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Traffic chief P/Insp. Joseywells Estopen, ang namatay na si Roldan Esmane y Lunzaga, 32, may asawa, ng Barangay San Isidro at kawani ng Ormoc waterworks.
Nadamay din sa sakuna ang pasahero ng traysikel na si Charity Parrilla ng Brgy. San Pablo.
Nakakulong naman at kinasuhan ang drayber ng truck na si Elias Pedra y Anonat, 36, may asawa, at residente ng Brgy. Masumang, Merida, Leyte.
Ayon kay Estopen, patungo ang truck (GEE-972) ng suspek sa Barangay Tongonan para mag-deliver ng cargo sa Phil. National Oil Co. nang masalpok ang motorsiklo ng biktima.
Napag-alamang nag-overtake ang truck para lampasan ang traysikel ni Ronilo Brigildo nang makasalubong ang motorsiklo (HQ-3132) ni Esmane.
Ayon sa pulisya, susunduin sana ni Esmane ang kanyang misis sa entertainment parlor para magdaos ng selebrasyon matapos makatanggap ng bonus nang maganap ang trahedya.
Nabatid din ng pulisya na ang ama ng biktima ay kalilibing pa lamang at may limang araw pa lang ang nakalipas.
Sinabi ni Pedra sa mga rumespondeng pulis, minabuti n’yang salpukin ang motorsiklo ni Esmane kaysa sa traysikel na walo ang pasahero
Base sa rekord ng pulisya, noong Hunyo 2006, si Pedra na nasa impluwensya ng alak na nagmamaneho rin ng truck patungo sa Baybay City, nang masangkot sa salpukan ng traysikel na ikinasawi ng anim-katao.
Kasalukuyan pang nasa Ormoc City Police Office ang truck at pansamantalang nakalalaya si Pedra matapos makapagpiyansa sa kasong 7 counts ng kasong reckless imprudence resulting to homicide. Roberto C. Dejon
- Latest
- Trending