KIDAPAWAN CITY – Aabot sa P10 milyong ransom ang hinihinging kapalit ng kalayaan ng dalawa sa anim na dinukot ng KFR noong Sabado sa hangganan ng Tulunan, North Cotabato at Datu Paglas, Maguindanao.
Ayon kay Col. Danilo Garcia, commander ng 601st Brigade ng Philippine Army sa Tacurong City, Sultan Kudarat, ang ransom note ni Kumander Mayangkang Saguile, li der ng kidnap-for-ransom gang ay ipinadala sa pamamagitan ng mobile phone ng mga kaanak ng mga biktima.
Kasunod nito, bandang alas-3:15 ng madaling-araw kahapon, pinalaya na sa bahagi ng Sultan Kudarat, ang apat na biktimang sina Nelson Fruto, distributor ng Realize Personal Collections; anak nitong si Nezelene at mga kawani na sina Elmarie Jones Gocong at Melvin Camacho, pawang mga residente ng Davao City.
Nananatili namang hawak ng grupo ni Saguile sina Marvin Roy Fruto, anak ni Nelson Fruto; at Anna Marie Supe ng Apo Sandawa Homes Phase 1 sa Kidapawan City.
Ayon kay Col. Garcia, posibleng sa Liguasan marsh sa Maguindanao dinala ni Saguile ang dalawang biktima.
Sa tala ng pulisya, naganap ang insidente noong Sabado ng gabi sa hangganan ng Tulunan, North Cotabato at Datu Paglas, Maguindanao habang pauwi na ang mga biktima sakay ng kulay pulang Strada pick-up na may plakang LFY–105 mula sa field demonstration ng kanilang produkto sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Samantala, mariing naman itinanggi ni Mayor Datu Muhammad Paglas, ng nabanggit na bayan na mga pulis niya ang nasa likod ng pinakabagong kaso ng kidnapping.