British pastor kinidnap

CAMP CRAME – Isang Pastor na Briton ang pina­ngangambahang kinidnap ng sindikato kung saan napaulat na nawawala may isang linggong na ang na­kalipas sa bahagi ng Bu­kidnon, ayon sa ulat kaha­pon.

Kinilala ang biktima na si Pastor David Brass ng Bap­tish Church na nanu­nuluyan naman sa Ba­rangay Liber­tad, Butuan City, Agusan del Norte.

Sa ulat na tinanggap kaha­pon ni PNP chief Director General Avelino Ra­zon Jr., ang biktima ay hindi na nakabalik simula ng mag­tungo sa Bukidnon noong Huwebes ng Nob­yembre 22.

Napag-alamang nagpa­alam pa ang biktima sa asawa nitong si Analyn na bibisita lamang sa bahay ng isa nitong  kaibigan sa Bukid­non, subalit simula noon ay hindi na ito nakita pang muli.

Sinubukan din ni Analyn na tawagan si Brass  sa  celfone nito subali’t hindi nito sinasagot.

Gayon pa man, sa ka­bila nito ay wala pa namang natatanggap na ransom demand ang pamilya ni Brass mula sa pinanini­walaang mga kidnaper na nag-oope­rate sa Bukidnon.

Sa kasalukuyan ay pa­tuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang naglunsad na rin ng search and rescue operations sa nasabing dayu­han. (Joy Cantos)

Show comments