P8-M ari-arian tinupok ng apoy
BULACAN – Pinaniniwalaang depektibong Christmas lights ang tumupok sa P8 milyong ari-arian makaraang masunog ang bahay ng nakatatandang kapatid ni Bulacan Governor Joselito Mendoza sa Barangay Duhat, Bocaue, Bulacan noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Fire Officer 3 Joseph Dela Rosa ng Bocaue fire station, nagtungo sa airport ang pamilya Tuazon upang sunduin ang panganay na anak na lalaki na dumating mula sa Estados Unidos nang masunog ang bahay na pag-aari ni Teresita Mendoza-Tuazon
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang alas-6:30 ng gabi hanggang sa maapula bandang alas-10 ng gabi noong Biyernes.
Napag-alamang naiwan sa bahay ng pamilya Tuazon ay ang katiwala na si Glenn Arriba, 20.
Sinabi naman ni Glenn Arriba sa mga imbestigador na ilang minuto bago tuluyang kumalat ang apoy, may nakita siyang usok mula sa mga halamang may nakasabit na Christmas lights sa labas ng bahay.
Bukod sa nasunog na bahay at mga appliances sa loob nito, nadamay din ang isang Mitsubishi Pajero (VBC 369) at Hyundai Starex van na may plakang RCM- 228 na nakaparada sa garahe.
May posibilidad na ang mga Christmas lights na nakasabit sa labas ng bahay ang posibleng sanhi ng sunog, subalit patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng apoy. Dino Balabo
- Latest
- Trending