2 komedyante inambus
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna police director, ang mga sugatang sina Victor Eusebio, 37, trader, ng F. Burgos St., Paco, Manila at si Jerome Mangalino, 23, stand-up comedian, ng Habana St., Sta. Ana, Manila.
Si Eusebio ay nagtamo ng maraming tama ng bala sa katawan samantalang tinamaan naman sa kaliwang braso si Mangalino na ginagamot sa University of Perpetual Help Medical Center.
Samantala, nakaligtas naman ang isa pang kasamang comedian na si Daxxeno Fowler, 33, ng Panay Avenue, Quezon City.
Ayon sa ulat, papauwi na ang mga biktima sakay ng kulay itim na Honda City (XJX-257) at binabagtas ang kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Tubigan nang harangin ng dalawang armadong lalaki na sakay ng motorsiklo bandang alas-3:45 ng madaling-araw.
Nang mapahinto ang kotse ng mga biktima, sunud-sunod na pinaputukan ito ng mga suspek bago ito mabilis na nagsitakas.
Sa panayam ng PSN kay P/Supt. Rojas, posibleng may napikon na customer sa mga pagbibiro ng mga komedyante na nagbunsod para sila gantihan.
“Bago pa naganap ang pananambang, nakakatanggap na ng mga pagbabanta ang mga biktima sa pamamagitan ng text messages,” dagdag pa ni Rojas.
Ang mga biktima ay ang mga may-ari ng Comic Avenue Comedy Bar and Restaurant sa Brgy San Antonio, Biñan, Laguna.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang mga responsable sa pamamaril.
- Latest
- Trending