CAMP VICENTE LIM, Laguna — Dalawang negosyante ang iniulat na napatay matapos pagbabarilin ng mga ’di-pa nakikilalang kalalakihan sa naganap na panibagong karahasan sa loob ng palengke na sakop ng Biñan, Laguna kamakalawa ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr. Laguna police director, ang mga biktimang sina Henry Agustin, 55; at Enrico Tierro, 34 kapwa meat traders at mga residente ng Segunda Village, Barangay Platero, Biñan, Laguna.
Napag-alamang nag-aayos ng kanilang panindang karne sa loob ng palengke nang bigla na lang lumapit ang dalawang ’di-kilalang lalaki at sunud-sunod na pinaputukan ang mga biktima bandang alas-2:15 ng madaling-araw.
Matapos ang pamamaril, kaagad na tumakas sakay ng kulay pulang motorsiklo ang mga suspek patungo sa ’di-pa malamang direksyon kasunod ang limang iba pa na mga look-out sa naganap na krimen.
Mabilis na isinugod ng ilang nagtitinda ng karne ang dalawang biktima sa Biñan Doctors Hospital at Perpetual Help Hospital pero idineklara na itong patay dahil sa mga tama ng bala sa kanilang ulo at katawan. Patuloy ang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad upang mabatid ang tunay na motibo ng krimen. (Arnell Ozaeta at Joy Cantos)