Nagtalo sa bagyo, farmer dinedo

QUEZON — Binaril at napatay ang isang 38-anyos na magsasaka ng isa sa mag-utol na lalaki makaraang magtalo sa pagdating ng bagyong “Mina” sa naganap na panibagong karahasan sa Barangay Cabatang, Dolores, Quezon kama­kalawa. Tinamaan ng bala sa dibdib ang biktimang si Franklin Moneda y Sumigue, 32, habang tugis naman ng pulisya ang mag-utol na suspek na sina Joey at Jerry de Villa. Sa imbes­tigasyon ng pulisya, magkasamang nag-iinuman ang tatlo nang sumiklab ang matinding pagtatalo kaugnay sa pag­dating ng bagyo hanggang sa mapikon ang mag-utol kaya pinas­lang ang biktima. (Tony Sandoval) 

Pulis namaril sa videoke bar

CAVITE — Patay ang isang 44-anyos na lalaki habang dalawa iba pa ang nasugatan makaraang mamaril ang isang pulis sa loob ng videoke bar sa Barangay Molino 2, Bacoor, Cavite kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Rogelio Jornadal, samantalang su­gatan naman sina Emily Orido, 40; Luzviminda Careon, 41 at Eunice Carreon, 11. Tugis naman ng mga awtoridad ang sus­pek na pulis-Bacoor na si PO1 Philip Salvador Ernino. Ayon sa ulat, bago pumasok ang suspek sa Yungib Videoke Bar, ay iniwan nito ang baril sa biktima para jumingle. Nang luma­bas ng palikuran ay kinuha ng suspek ang kanyang baril at sa hindi nabatid na dahilan ay sumiklab ang kaguluhan hang­gang sa duguang bumulagta ang biktima habang tina­maan naman ng ligaw na bala ang tatlo. (Cristina Timbang)

8 sugatan sa shotgun ng  sekyu

CAMP CRAME – Walo-katao kabilang ang dalawang Briton ang iniulat na nasugatan makarang pumutok ang shotgun ng security guard sa pantalan ng Barangay Sta. Fe,  Ban­tayan Island sa Cebu kamakalawa. Kabilang sa mga nasu­gatan ay sina Niphi Simon Pratt, 25; Jessie Anderson, 23; PO1 Henry Asentista, 37, ng  Madridejos PNP; mga pedi­cab drayber na sina Mario at Relito Villaruel, Christorey Mon­­teadora, Romeo Escaran Jr. at si  John Paul Ilustrisimo, 21. Nahaharap naman sa kasong kriminal ang suspek na si Jesus Esgno Ango, 26, security guard ng Superlight Security­ Agency. Ayon kay SPO4 Felix Lapera, kasalukuyang pini­pigilan ng suspek ang mga  pumapasadang  pedicab na maka­­pasok sa loob ng pier nang aksidenteng pumutok ang dala-dala nitong shotgun at tinamaan ang mga biktima. (Joy Cantos)

Show comments