CAVITE – Brutal na kamatayan ang naging wakas ng mag-iina makaraang pagtatagain ng nakaalitan ng live-in partner ng una sa bayan ng Indang, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO1 Ernesto Gayyed, ang mga biktimang sina Ellen Romerosa, 18; dalawang anak na Angelyn, 2; at Marlyn isang taong gulang na pawang may apelyidong Orogo at residente ng Barangay Mahabang Kahoy, Balabag sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, nakikipag-inuman ang ka-live-in partner ni Romerosa na si Michael Orogo, 19, sa suspek na si Reynaldo Rondina hanggang sa magkainitan ang dalawa na nauwi sa suntukan.
Nang matalo sa suntukan si Rondina, kumuha ito ng itak at hinabol si Orogo pero nakatakbong papalayo at makapagtago sa ibang bahay. Ayon sa ilang nakasaksing kapitbahay, pinagbantaan ni Rondina si Orogo na uubusin niya ang pamilya nito kapag hindi nagpakita.
Bandang alas-8:30 ng umaga kinabukasan nang bumalik sa bahay si Orogo at natagpuan na lang niyang patay na ang kanyang mag-iina matapos magtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad si Rodina matapos tumakas nang maisagawa ang krimen.