OLONGAPO CITY – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang 18-anyos na lalaki matapos na maaktuhang nagbebenta ng nakaw ng metro ng tubig sa Barangay Sta. Rita, Olongapo City kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Senior Supt. Abelardo P. Villacorta, city police director, ang suspek na si Romualdo Petronio ng Purok 3, Abra St., Barangay Barretto, Olongapo City. Si Petronio ay dinakip ng mga tauhan ni P/Inspector Norberto S. Maninang ng PCP 5 na bitbit ang dalawang metro ng tubig na ibinebenta sa junk shop. Ayon sa pulisya, ang suspek ay nasa likod ng mga nakawan ng metro ng tubig sa nabanggit na barangay. Matapos mapaulat ang pagkakadakip kay Petronio ay nagsulputan naman sa himpilan ng pulisya ang mga residenteng nanakawan ng metro para maghain din ng reklamo. Tugis naman ng pulisya ang isa pang suspek na si Jude Sangco, 27, ng Barangay Gordon Heights, Olongapo City. Jeff Tombado