Ika-2 pagpapasabog sa Cotabato nasilat
KIDAPAWAN CITY – Napigilan ng mga awtoridad ang isa na naman sanang pagsabog sa Cotabato City matapos madiskubre ang isang improvised explosive device (IED) na itinanim sa gilid ng Quezon Avenue kahapon.
Na-detonate ng mga Explosives and Ordnance Disposal Team ng Army ang IED na isinilid sa isang plastic bag at iniwan sa mataong lugar sa Cotabato City, na ayon sa mga imbestigador ay posibleng bahagi ng terror plan ng mga terorista.
Ang natagpuang bomba na nasa kahon ng sigarilyo at iniwan sa harap ng Bermejo Machine Shop na may ilang metro lamang ang layo sa gasolinahan ay gawa sa bala ng 81mm mortar projectile na nakakabit sa isang improvised battery-operated blasting mechanism, ayon kay P/Senior Supt. Willie Dangane, city police director.
Ito na ang pangalawang bomb try na napigil ng mga awtoridad.
Noong Biyernes, isang granada ang iniwan sa isang motorsiklo na nakaparada sa harap ng opisina ng finance officer na si Osmena Montaner ng Department of Agriculture sa Central Mindanao.
Di-pumutok ang granada kahit wala na itong safety lever, ayon sa Cotabato City PNP. Malu Manar
- Latest
- Trending