CAMP VICENTE LIM, Laguna – Tatlong kalalakihan ang kumpirmadong namatay makaraang ma-suffocate habang nagsasagawa ng treasure hunting sa bayan ng Biñan, Laguna noong Miyerkules ng hapon.
Kabilang sa mga nasawing biktima ay sina Apolinario Samiano, 25; kapatid nitong si Bonifacio Samiano, 28; at Percival Delgado, 42, pawang mga residente ng Sitio Kiliti, Barangay Timbao ng nabanggit na bayan.
Ayon kay P/Senior Supt. Felipe Rojas, Jr., Laguna police director, isang buwang naghuhukay ang mga biktima sa bahay ng mag-asawang Francisco at Luciana Samiano sa #418 Pandacan St. Barangay Timbao sa pag-asang makahukay ng bultu-bultong Yamashita treasures na nakabaon.
Subalit nang marating nila ang may 30-metrong lalim at haba ng tunnel, nawalan na ng supply ng hangin hanggang sa mag-collapse ang magkapatid na Samiano bandang alas-4 ng hapon.
Nakarating sa kaalaman ng mga kasamahan na naipit sa tunnel ang dalawa kaya sinikap namang sagipin ni Delgado ang mag-utol at mabilis na nagtali ng lubid sa isang water pump para bumaba sa tunnel.
Pero nasa kalagitnaan pa lang pababa ng tunnel nang bumigay ang water pump mula sa base stand nito at bumagsak sa ulo ni Delgado na naging sanhi ng kanyang kamatayan, ayon pa sa ulat ng pulisya.
Naisugod sa Perpetual Help Hospital at Ospital ng Biñan pero idineklarang patay ang mga biktima.
Sa panayam kay P/Supt. Rojas ng PSN, sinabi nito na posible rin nakalanghap ng methane gas ang mga biktima dahil sa septic tank na malapit sa tunnel.