P1.8M ari-arian tinangay ng 2 maid

CAVITE – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang babae makaraang masakote ng pulisya sa kasong pagnanakaw ng mga ari-ariang nagkakahalaga ng P1.8 milyon sa bahay ng kanilang amo sa Barangay Samala, Binakayan, Kawit, Cavite noong Martes ng Nov. 6.

Pormal na kinasuhan habang naka­kulong  sa himpilan ng pulisya ang mga suspek na sina Leticia Monciller Abion, 42, biyuda, tubong Masbate at Marisa Velarde Bisey, 26, kapwa naninirahan sa Barangay Isabang, Lucena City, Quezon. 

Nadiskubre ang nakawan matapos na bumalik ang mag-asawang trader mula sa ibang bansa kung saan ipinagbigay-alam ni Danilo Olisa, isa rin sa kasambahay ng mag-asawa.

Napag-alamang sina Abion at Bisey ay kapwa katulong sa bahay ng mag-asawang trader na pinagkatiwalaan ng may ilang buwan.

Sa salaysay ng mag-asawang trader na pansamantalang itinago ang pagkikilanlan dahil sa kanilang seguridad, sina­man­tala ang kanilang pagbabakasyon sa ibang bansa saka unti-unting inilalabas ng mga suspek ang kanilang mamahaling gamit kabilang na ang isang diamond neklace, relong TagHuer, 12 pares ng sapatos, damit at mamahaling dekorasyon sa bahay.

Matapos na malaman ang insidente ay nagpatulong ang mag-asawa sa mga pulis-Kawit sa pamumuno ni P/Chief Insp. Hersan Hierco Mojica. At agad na tinungo ang bahay ng dalawa sa Barangay Isabang, Lucena City.

Sa pakikipag-ugnayan sa ilang barangay opisyal at pu­lisya sa nasabing lungsod ay narekober ang ilang ari-arian habang nasakote naman ang dalawa. (Mhar D. Basco)

Show comments