CAMP AGUINALDO – Namuo ang word war sa pagitan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Davao del Norte Rep. Prospero Nograles kaugnay sa pagpapakamatay ng isang12-anyos na dalagita dahil sa kahirapan sa lugar na kanilang nasasakupan. Sa isang radio interview, binuweltahan kahapon ni Duterte ang patutsada ni Nograles na walang basehan ang paratang nito kaugnay sa ‘di tamang paggamit ng intelligence fund ng pamahalaang lungsod na ang dapat sisihin sa pagpapakamatay ng biktimang si Marianeth Amper. “Kung ‘yung P2.5 milyongg project niya (Nograles) sa Agusan ay ibinili ‘man lamang niya ng bigas para sa Davao, baka nakatulong pa siya sa mga naghihirap naming kababayan. Ang bayan ng Ma-a, 1st district ng Davao ay nasasakupan niya rin kaya dapat siyang sisihin,” galit na tinuran ni Duterte.Kasabay nito, hinamon ni Duterte si Nograles na magtanong muna sa PNP at AFP kung may tinapyas siyang pondo sa supply ng mga ito. “Yung intelligence fund ko ay may liquidation report, kung mayroon siyang pruweba na nagwawaldas ako ng pondo, magre-resign ako sa pagka-Mayor,” buwelta pa ng alkalde. Nabatid na ang karagdagang alokasyon na P 2. 5 milyon na hiningi ni Nograles kay ex-Department of Agriculture Sec. Domingo Panganiban noong Agosto 25, 2005 ay para sa ‘farm-to-market road projects ‘ sa bayan ng Esperanza, Agusan del Sur. Idinagdag pa ni Duterte na sakaling ipatawag sila ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para pagbatiin ay hindi siya dadalo dahil baka magkasakitan lamang sila at mahirapan ang Punong Ehekutibo na maawat ang posibleng showdown. Joy Cantos