BACOLOD CITY – Pitong sibilyan ang iniulat na nasugatan makaraang mag-amok at mamaril ang isa sa dalawang miyembro ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade sa bisinidad ng Barangay Minapasok sa bayan ng Calatrava, Negros Occidental kamakalawa.
Kabilang sa mga biktima na ngayon ay ginagamot sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Hospital, Teresita Lopez Jalandoni Provincial Hospital at Alfredo Maranon Sr. District Hospital sa mga Lungsod ng Bacolod, Silay and Sagay ay sina Joevannie Tayoba, Rosebel Alcover, Danilo Arsenal, Eduardo Medriano, Marlon Mahinay, Ramon Bayalas at Enjie Selebrico na pawang tinamaan ng ligaw na bala, ayon kay police chief Insp. Danilo Zuniega.
Sa pitong sugatan, si Mahinay ay napaulat na nasa kritikal na kondisyon dahil sa tama ng bala sa tiyan.
Tumakas naman ang suspek na si Jason “Bongbong” Balansag, sakay ng motorsiklo kaangkas ang isang alyas Ka Jomar patungo sa direksyon ng Barangay Bug-ang sa bayan ng Toboso.
Napag-alamang si Balansag na kapatid ng natalong kandidato noong barangay at SK polls ay naaresto ng mga sundalo noong Oktubre 29 dahil sa Comelec gun ban.
Posibleng paghihiganti ang isa sa motibo ng suspek para barilin si Tayoba na supporter naman ni re-elected Barangay Captain Serafin Natial na tumalo sa nakatatandang utol na babae ni Balansag.
Lumilitaw rin sa imbestigasyon ng pulisya na si Tayoba ay isinasangkot sa pagkamatay ng isang alyas Joel Despi na kamag-anak ni Balansag noong nakalipas na taon. (Toks B. Lopez at Joy Cantos)