Barangay captain sa Gapo sinibak ng Ombudsman
OLONGAPO CITY – Isang barangay captain ang inatasan ng Ombudsman na lisanin nito ang kanyang puwesto matapos mapatunayang nagkasala sa kasong dishonesty and grave misconduct.
Sa 5-pahinang desisyon na nilagdaan nina Yasmin Soraya A. Masukat, graft investigation & prosecution officer 1 at Victor C. Fernandez, deputy Ombudsman for Luzon, sinibak sa tungkulin si Amalia Corum ng Barangay New Kababae, Olongapo City.
Bukod sa dismissal order laban kay Corum, pinababalik ng Ombudsman ang P104,168 kabuuang pondo ng barangay na winidraw nito sa banko sa pamamagitan ng kanyang tresurera na si Editha Peña noong Nobyembre 17, 2005.
Nabigo rin si Corum na maipaliwanag sa Ombudsman kung paano nito gi nastos ang pondo na nakalaan sana sa pangsuweldo sa mga kagawad, tanod at staff ng kanyang barangay bagkus ay sinabi nito na ibabalik na lamang niya ang perang nilustay nito.
Napag-alaman din na aabot sa 5-buwang walang suweldo ang buong barangay tanod (P500 kada buwan) dahil na rin sa nadiskubreng anomalya.
Nag-ugat ang kasong kinakaharap ni Corum makaraan kasuhan sa Ombudsman ng kanyang mga barangay kagawad na sina Antonio S. Andal, Bernardita R. Sanchez, Eduardo M. Valera, Christopher A. Basa, Richard Nechaldas at Ronald Fonseca dahil sa ginawa nitong paglustay sa kanilang pondo. - Jeff Tombado
- Latest
- Trending