Globe cell site sinunog ng rebeldeng NPA
Muli na namang nagpakita ng bangis ang mga rebeldeng New People’s Army matapos na sunugin ng may 50 nitong miyembro ang isang cell site ng Globe Telecoms na kanilang sinalakay sa San Fernando, Masbate kamakalawa ng gabi.
Batay sa report ng Police Regional Office 5, naganap ang insidente sa Brgy. Bayanihan,
Ayon sa imbestigasyon, dinisarmahan ng mga armadong rebelde ang nag-iisang security guard na nagbabantay sa nasabing cell site na kinilalang si Fernando Cantoria.
Kinuha rin umano ng mga rebelde ang cellphone at radio ni Cantoria saka iginapos ang walang kalaban-labang security guard.
Agad na binuhusan ng gasolina ng mga rebelde ang cell site na sinilaban ng mga ito hanggang sa tuluyang maabo sa insidente.
Wala namang nasawi o nasugatan sa nasabing panununog na ayon sa mga awtoridad ay bahagi ng pangingikil ng revolutionary tax ng mga rebelde.
Matapos ang panununog ay mabilis na nagsitakas ang mga rebelde patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Sa tala, ang insidente ay ikaapat sa panununog ng Globe cell site sa lalawigan ng communist rebels habang patuloy namang inaalam kung magkano ang naging pinsala sa nasabing pananabotahe. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending