Nalambat ng pinagsanib na mga operatiba ng militar at pulisya ang isang pinaghihinalaang opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army matapos na masukol sa raid sa safehouse nito sa Dalaguete, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang naarestong rebel official na si Ricardo Bellamia alyas Ka Yuri/Ka David na hindi na umano nakapalag nang silbihan ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Sylvia Aguirre Paderangga kaugnay ng kasong rebelyon na kinakaharap nito sa Danao City Regional Trial Court.
Batay sa ulat, bandang alas-2 kamakalawa ng hapon nang arestuhin ang nasabing NPA leader sa safehouse nito sa bahagi ng Bgy. Casay, Dalaguete ng nabanggit na lalawigan.
Bago ito ay nagsagawa muna ng masusing surveillance operations ang mga awtoridad sa lugar.
Nang maberipika ang presensya ni Bellamia sa kaniyang safehouse ay agad nagsagawa ng raid ang mga awtoridad na nagresulta upang ito ay maaresto.
Sa tala, si Bellamia ang siya umanong nanguna sa pananambang at pamamaslang sa apat na sundalo ng 78th Infantry Battalion ng Philippine Army sa magkakahiwalay na insidente sa Dalid, Tabuelan; sa bayan ng Sumon; Kalanggaman sa Tuburan at Baliang, Danao City. (Joy Cantos)