Suspek sa pastor’s slay sumuko
KIDAPAWAN CITY – Isinampa na kahapon ang kasong homicide laban sa suspek na si Ronnie Insing Arong, na itinuturong pangunahing pumatay sa ministro ng Jesus is Lord Movement na si Martin Ambong. Ayon sa ulat ng pulisya, si Arong na miyembro rin ng nasabing religious group ay ikinanta ng ilang nakasaksi sa krimen. Sa resolution ng Kidapawan City Prosecution Office na pirmado ni Prosecution Attorney Christine Jan Pueyo, may probable cause para isampa sa korte ang kasong homicide laban kay Arong na inaprubahan naman ni Prosecutor Al Calica. Sa tala ng pulisya, pinatay si Pastor Ambong noong Huwebes ng gabi sa loob mismo ng bahay ng JIL sa Sitio Lapan, Barangay Perez sa Kidapawan City. Nakita na lamang ang kanyang bangkay noong Biyernes ng umaga na may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Boluntaryo namang sumuko sa Kidapawan City PNP, ang suspek dalawang araw makaraan ang pagpatay na pinaniniwalaang nakonsiyensya sa ginawang krimen. Malu Cadelina Manar
- Latest
- Trending