NUEVA ECIJA – Tatlong oras bago magsimula ang barangay at Sangguniang Kabataan election ay natupok ng apoy ang isang gusali ng Tanawan Elementary School na gagamiting polling precinct kahapon ng madaling-araw sa Barangay Malbang, Pantabangan Nueva Ecija.
Ayon kay Jose Ramiscal, Pantabangan Comelec Officer, bandang alas-4 ng madaling-araw nang masunog ang nasabing gusali na may anim na polling precinct 6 at umaabot sa 1,538 na botante.
Sa imbestigasyon ng pulisya, umaabot sa P1.5 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy habang inaalam pa rin kung ano ang pinagmulan ng apoy. Kasunod nito, nailipat naman sa katabing gusali ang mga pagdarausan ng election, ayon kay Atty. Panfilo Doctor, Nueva Ecija Election Officer.
Samantala, sinisilip ng mga imbestigador ang anggulong sinadya o aksidente ang insidente. (Christian Ryan Sta. Ana)