QUEZON – Magkasamang kinarit ni kamatayan ang isang 12-anyos na batang babae at kanyang yaya makaraang sunugin ng mga boy na nagnakaw sa bakery na kanilang pinagtatrabahuhan, sa Barangay Poblacion, Candelaria, Quezon noong Sabado ng gabi.
Halos hindi na makilala dahil sa pagkasunog ang mga biktimang sina Sansuan Sandoval at Clarise Obcemea, 17, ng Sariaya, Quezon.
Sugatan naman si Jacel Saquit, 18, isang bakery helper at ngayon ay nasa Peter Paul Hospital.
Ayon kay P/Senior Supt. Hernando Zafra, Quezon police director, naaresto naman ang isa sa suspek na nagsilbing lookout na si Elmer Llamanzares habang patuloy naman tinutugis ang dalawang suspek na sina Marlito Palma at Marlon Carandang, kapwa trabahador sa Sandoval Bakery at pawang mga kasapi ng Akhro Fraternity.
Sa salaysay ng isa sa suspek sa himpilan ng pulisya, dakong alas-10:45 ng gabi ng pasukin nila ang panaderya at nilimas ang hindi pa binanggit na halaga ng pera saka naghanap ng gasolina at sinunog ang kabuuan ng bakery.
Bandang ala-una y medya nang ideklarang under control ang sunog matapos sumaklolo ang mga bumbero sa kalapit bayan ng Tiaong, San Pablo, Sariaya at Dolores.
Binanggit sa ulat ng pulisya na nasa Maynila ang mag-asawang Andres at Susan Sandoval na may-ari ng establisyemento nang isagawa ng mga suspek ang panloloob at pagsunog na pinaniniwalaang aabot sa P2.5 milyong ari-arian ang naabo. (Tony Sandoval at Arnell Ozaeta)