Shootout: Lider ng holdaper gang todas
CAMP BADO DANGWA, Benguet – Isang notoryus lider ng robbery/holdup at cattle rustling group ang iniulat na napatay makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa bisinidad ng Sitio Teltelpok, Barangay Edek sa bayan ng Kabayan kahapon. Sa pahayag ni P/Chief Supt. Eugene Martin, Cordillera regional police director, nagtungo ang pangkat ng pulis para i-serve ang warrant of arrest laban kay Leo Halipan, nang makipagbarilan imbes na sumuko. Si Halipan ay nakatala bilang ika-8 most wanted person sa nabanggit na rehiyon at lider ng Halipan Group. Napag-alamang nagpulasan sa iba’t ibang direksyon ang mga kasamahan ni Leo nang mamataang bumulagta ang kanilang lider. Ayon sa pulis, si Halipan na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal ay pinaniniwalaang nasa likod ng holdapan sa Baguio-Vizcaya Road at nakawan ng alagang baka sa hangganan ng Bokod at Kabayan sa Benguet. Myds Supnad
- Latest
- Trending