KIDAPAWAN CITY – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang pastor ng Jesus is Lord Fellowship makaraang tadtarin ng saksak sa buong katawan ng ‘di-kilalang lalaki sa Sitio Lapan, Barangay Perez, Kidapawan City, North Cotabato noong Huwebes.
Walang lumutang na testigo para magbigay ng testimonya sa pagkakapaslang kay Martin Ambong, 48, ministro ng Jesus is Lord o JIL Movement na nakabase sa nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Jaime Muñez, wala ni isa sa mga kapitbahay ni Pastor Ambong, ang nakasaksi sa krimen o nakapansin na may pumasok sa loob ng simbahan kung saan naninirahan ang nasabing pastor.
Nabatid na ang simbahan ay nasa paanan ng Mt. Apo at pawang mga katutubo ang miyembro ng JIL.
Maging ang misis ni Pastor Ambo nga ay wala rin sa naturang lugar at kinabukasan na nalaman ng mga kasambahay ang nangyari sa biktima, ayon kay PO3 Muñez.
Lumilitaw sa pagsusuri sa bangkay ng biktima na may labing-anim na sugat ng patalim sa harapan at labintatlo naman sa likurang bahagi ng katawan habang may tama rin sa mukha mula sa isang matigas na bagay.
Kasalukuyang blangko ang pulisya para malutas ang karumal-dumal na pamamaslang sa nabanggit na pastor na posibleng may matinding galit, dagdag pa ni PO3 Muñez.