October 26, 2007 | 12:00am
CAMP CRAME – Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang dalawang brodkaster ng Radio Ukay makaraang tambangan ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa panulukan ng Jumao-as at Rizal Avenue sa Digos City, Davao del Sur kahapon ng umaga. Ang mga biktimang magkaangkas sa motorsiklo nang ratratin ay nakilalang sina Marlan Malnegro at Ruben Oliverio. Ayon sa imbestigasyon, katatapos lamang ng dalawa sa pang-umagang programang Radio Ukay nang paputukan ng isa sa dalawang sakay din ng motorsiklo. Gayon pa man, sumablay ang naunang putok ng kung saan masuwerteng hindi tinamaan sina Malnegro at Oliverio. Muling kinalabit ng gunman ang gatilyo subali’t nagbara ang bala ng baril kaya nagkaroon ng pagkakataon ang dalawang na makatakas. Patuloy ang imbestigasyon kaugnay sa tangkang pamamaslang laban sa dalawa. Joy Cantos
Brgy police dedo sa suntok
QUEZON – Dahil sa lakas ng suntok, bumagok ang ulo sa sementong gutter at namatay ang isang barangay police sa naganap na karahasan sa Barangay Bilucao, Sampalok, Quezon, kamakalawa. Nagka-internal hemorrage ang biktimang si Baltazar Encanto, 56 ng nabanggit na barangay habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Charles Calubayan, 30. Sa imbestigasyon ng pulisya, dumating sa core housing ang suspek na lulan ng motorsiklo subalit hindi ito nakapasok dahil isinarado ng biktima ang gate. Sa galit ng suspek ay agad nitong nilapitan at sinuntok ang biktima na ikinatumba nito at ang ulo ay tumama sa sementadong gutter. Naisugod pa sa Sampaloc District Hospital ang biktima subalit kinalaunan ay nalagutan rin ito ng hininga. Tony Sandoval
Pinugutan sa inuman
KIDAPAWAN CITY – Halos maputol na ang leeg ng isang 38-anyos na lalaki nang matagpuan ang bangkay nito sa abandonadong lote sa Barangay Katipunan sa bayan ng Sto. Nino, South Cotabato noong Miyerkules ng umaga. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rolando Vistavilla ng nabanggit na barangay. Ayon sa mga kaanak, huling namataang buhay ang biktima na nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan noong Martes ng gabi. Isinailalim sa post-mortem examination ang bangkay ni Estavillo habang inimbitahan naman ng pulisya ang ilang kainuman ng alak ng biktima para makapagbigay linaw sa naganap na krimen. Malu Manar