QUEZON – Pinaniniwalaang hinalay muna bago pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 60-anyos na biyuda ng adik niyang kapitbahay sa Barangay Ibabang Kinagunan sa bayan ng Padre Burgos, Quezon kamakalawa ng gabi. Duguang natagpuan ang bangkay ni Luisita Balapaya, habang tugis naman ang suspek na si Francisco “Isko” Fuentes, alyas Isko. Ayon kay SPO3 Evelyn Oreto, namataan ng ilang testigo sa krimen na papalabas ng bahay ng biktima ang suspek na hawak na itak. Posibleng napagtripan ng suspek na pasukin ang bahay ng biktima bago isagawa ang krimen. Tony Sandoval
Magkaibigan utas sa bus
RIZAL – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa magkaibigang lalaki makaraang sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus ang motorsiklo ng dalawa sa kahabaan ng Ortigas Avenue Ext. sa Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang mga biktima na sina Paolo Romero, 30, ng Lower Kabisig, Floodway at Ricky Magboo, 31, ng Guadalupe Bliss, Makati City. Nakapiit naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng NSP Bus (TWZ-222) na si Melenciao Domingo, 47, ng San Buena Compound ng nabanggit na barangay. Ayon sa ulat, sakay ng motorsiklo (OO-3380) ang dalawa patungong Taytay nang makasalubong ang bus sa pakurbadang bahagi ng nasabing lugar. Edwin Balasa
Brgy kagawad nilikida
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Isang reelectionist na barangay kagawad na pinaniniwalaang nagturo sa mga militar na maaresto ang dalawang rebeldeng NPA ang pinagbabaril habang nagpapahinga sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Lourdes, Tiwi, Albay kamakalawa ng gabi.Kinilala ng pulisya ang biktimang si Severino Come, 51, magsasaka. Ayon sa ulat, ang biktima na pinaalis na ng NPA rebs sa kanilang lugar dahil sa hinalang nakikipag-ugnayan sa militar ay naunang dinukot ng mga rebelde noong Abril 2007 bago pinalaya, subalit muling bumalik noong Setyembre para paghandaan ang nalalapit na barangay elections. Ed Casulla
Nameke ng STL ticket, tiklo
CAMP CRAME - Kalaboso ang binagsakan ng isang 25-anyos na mister makaraang maaresto ng pulisya sa pamemeke ng P12,000 winning ticket ng lotto sa Pacita 1, San Vicente, San Pedro, Laguna kamakalawa ng gabi. Pormal na kakasuhan ang suspek na si Niño Ticzon na nasakote mismo sa STL outlet bandang alas-9:30 ng gabi. Ayon kay P/Chief Supt. Felipe Rojas Jr., Laguna provincial director.
Kasalukuyang kinukubra ng suspek ang winning ticket na 34-1 na siyang nanalong resulta kung saan ang premyo ay P12,000.Gayon pa man, nang beripikahin ay natuklasang pinalsipika lamang ni Ticzon ang winning number para makuha ang premyo. Bunga nito ay humingi ng saklolo ang cashier ng lotto outlet sa pulisya kaya nasakote ang suspek. Joy Cantos