KIDAPAWAN CITY– Pinagbabaril ng tatlong armadong lalaki ang isang landlord na tiyahin ng isang kilalang abogado sa Pikit, North Cotabato habang sakay ng motorsiklo pauwi ng kanilang bahay sa may Fort Pikit, dakong alas-4:35 ng hapon noong Lunes.
Dead-on-arrival sa ospital si Milagros Lavarias-Gornez, 69, may-ari ng malawak na lupa sa Pikit at tiyahin ng isang matinik na lawyer sa North Cotabato na si Atty. Emmanuel Gornez Ferenal.
Ayon sa report ni Sr. Insp. Elias Dandan, hepe ng Pikit PNP, sakay si Mrs. Gornez sa XRM motorcycle na minamaneho ni Atty. Ferenal nang tambangan ng mga suspek sa may sitio Saguing, Barangay Ginatilan, Pikit.
Pauwi na ang dalawa pagkatapos bisitahin ang lupa ni Gornez sa may Barangay Panicupan, isang malayong barangay sa Pikit, nang parahin ng mga suspek.
Agad pinababa ang dalawa at binaril nang tatlong beses si Mrs. Gornez. Tinangka pang barilin si Atty Ferenal pero nakatakbo ito. Pagkatapos ng pamamaril ay tinangay ng mga lalaki ang motorsiklo na ginamit nila sa kanilang pagtakas.
Dead-on-arrival si Gornez nang isugod sa ospital, ayon kay Sr. Insp. Dandan.
Na-recover ang motorsiklo ni Atty. Ferenal sa may Barangay Gocotan, dakong alas-5:40 ng hapon kahapon, kaya’t nag-conclude ang mga pulis na hindi pagnanakaw ng motorsiklo ang motibo sa krimen.
Lumabas sa imbestigasyon ni Dandan na ang talagang pakay ng mga salarin ay si Mrs. Gornez at hindi si Atty. Ferenal. Gun-for-hire ang mga killer na posibleng tumira kay Gornez, ayon kay Dandan. (Malu Cadelina Manar)