CEBU – Tinatayang aabot sa P3 milyong ari-arian ang naabo makaraang masunog ang isang gusali sa kahabaan ng Highway Tagunol sa Barangay Basak, Cebu City kahapon. Ayon sa ulat, tinupok ng apoy ang gusali ng Cebu Budget Builders Inc., na pag-aari ni Esperanza Lumacang. Bago maganap ang sunog ay nakarinig ng ingay ang security guard na si Andres Rosales sa production area. At habang patungo sa nasabing area si Rosales ay namataan nito ang main switch na kumikislap hanggang sa magliyab at kumalat ang apoy sa ilang balde ng pintura. Bago pa makaresponde ang mga tauhan ng pamatay-sunog ay mabilis na kumalat ang apoy sa buong gusali hanggang sa maapula sa loob ng 48-minuto. Wala naman iniulat na nasawi o kaya nasugatan subalit ayon sa may-ari ng negosyo ay aabot sa 150 manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho. Patuloy naman ang imbestigasyon ni Felix Romero. Flor Z. Perolina
3 kawatan ng kable hinatulan
CEBU – Anim na taong pagkabilanggo ang inihatol ng mababang korte laban sa tatlong kalalakihan na napatunayang sa kasong pagnanakaw ng kable ng kuryente na pag-aari ng Visayan Electric Company sa bayan ng Naga, Cebu. Sa desisyong may petsang Agosto 30 ni Judge Meinrado Paredes ng Cebu Regional Trial Court Branch 13, hinatulang mabilanggo ang mga akusadong sina Krasker Flores, Wendell Flores and Helbert Flores dahil sa paglabag sa Republic Act 7832 (Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994). Sa record ng korte, ang tatlo ay inireklamo kaugnay sa pagnanakaw ng kable ng kuryente at nagpapakilalang kawani ng VECO. Sa loob ng ilang surveillance ay kaagad naman gumawa ng aksyon ang pulisya sa tulong ng abogado ng VECO na si Loret o Durano at naaresto ang tatlo sa Barangay Tuyan, Naga. Nakumpiska ng pulisya sa mga suspek ang ilang gamit sa kanilang modus operandi kabilang na ang tatlong pekeng identification cards ng VECO at dalawang motorsiklo. Wenna A. Berondo
Mayor’s son, misis dinukot ng NPA
DAVAO CITY – Dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army ang anak ng alkade sa bayan ng Loreto, Agusan del Sur at asawa nito makaraang dumaan sa checkpoint na itinayo ng mga rebelde sa bisinidad ng Sitio Cabuga, Barangay Sta. Teresa ng nabanggit na bayan noong Sabado ng hapon. Ayon kay Army 1001st Infantry Brigade commander Brig. Gen. Carlos Holganza, ginawang bihag at dinukot ng mga rebelde sa pamumuno ni Ka Nolan ng Front Committee 34, ang anak na lalaki ni Loreto Mayor Romeo Magadan Jr. at ang misis nitong si Nimfa. Napag-alamang sakay ng van ang mag-asawa nang harangin sa checkpoint ng mga rebelde saka dinala sa hindi natukoy na lugar. Ayon kay Holganza, humihingi ng dalawang malalakas na kalibre ng baril ang NPA kapalit ng kalayaan ng mag-asawa. Ayon sa ulat, pinalaya na rin ang mag-asawa subalit ‘di-nabatid kung naibigay ang kahilingan ng NPA. Edith Regalado