MALOLOS CITY, Bulacan – Aabot sa P5 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang pabrika ng Styrofoam sa Barangay Iba, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Ayon sa pulisya, tumagal ng tatlong oras bago pa maapula ang apoy na pinaniniwalaang nagmula sa talop na linya ng kuryente na napadikit sa salansan ng papel. Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na sunog. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad para kumpirmahin ang pinagmulan ng apoy. Dino Balabo
Estudyante dedo sa ligaw na bala
LUCENA CITY – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang Nursing student matapos na masapol ng ligaw na bala habang nanonood ng mga paputok sa birthday party ng kanyang kaibigan sa Purok Baybayin, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon, kamakalawa ng gabi. Hindi na umabot ng buhay sa MMG Hospital ang biktimang si Kevin Ojeda, 17, ng Barangay Cotta na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanang dibdib. Ayon kay PO2 Aldin Evangelista, bumisita ang biktima sa kanyang kaibigan sa Zabala apartment upang makisaya sa nagdiwang ng birthday. Habang masayang nanonood ng fireworks display sa labas ng bahay ay biglang napaupo ang biktma at nang suriin ng ilang kaibigan nito ay natuklasan may dugo sa dibdib. Inaalam ng pulisya kung ang biktima ay patraydor na binaril o tinamaan ng ligaw na bala. Tony Sandoval
Brgy. chairman pinabulagta
Kidapawan City – Tinambangan at napatay ang isang barangay chairman habang kritikal naman ang isa pang barangay kagawad sa naganap na pananambang ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa bayan ng Sultan Mastura sa Shariff Kabungsuwan noong Huwebes ang umaga, Kinilala ng 6th Infantry Division ng Phil. Army, ang nasawi na si Chairman Akmad Abdulla ng Barangay Sinditan sa bayan ng Sultan Mastura, Shariff Kabungsuwan, habang sugatan naman si Barangay Kagawad Monib Ali. Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, papauwi na ang dalawa sakay ng motorsiklo mula sa lokal na opisina ng Comelec nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihan. May teorya ang mga awtoridad, na may kinalaman sa pulitika ang insidente. Kabilang ang bayan ng Sultan Mastura sa Shariff Kabungsuwan sa ARMM na itinuturing na ‘areas of immediate concern’ ng mga awtoridad, PNP. - Malu Manar
Nene ni-rape ng kandidato
DARAGA, Albay – Maagang napariwara ang kinabukasan ng isang 13-anyos na batang babae makaraang halayin ng isang kandidato sa pagka-barangay chairman sa Barangay San Ramon, Daraga, Albay may ilang linggo na ang nakalipas. Nadiskubre ang krimen matapos na ikuwento ng suspek na si Domingo Mallapre, 50, sa ama ng biktima habang kapwa nag-iinuman ng alak sa naturang lugar. Dahil sa pagkabigla ay agad na sinuntok ng ama ng biktima ang suspek at ipinagbigay-alam sa pulisya ang insidente. Ayon sa pulisya, ipinagtapat ng biktima na hinalay siya ng suspek na kumpare ng kanyang ama na nagbantang sasaktan kapag ipinaabot sa mga awtoridad ang pangyayari. Pormal naman kakasuhan ang suspek habang hinihintay ang warrant of arrest mula sa korte. Ed Casulla