CAMP SIMEON OLA, Le gazpi City – Dahil sa malakas na pag-ulan nitong Miyerkules ng gabi, muling inilikas kahapon ang 270 pamilya (1,596) katao sa pangambang maapektuhan sa pagragasa ng lahar mula sa Mt. Bulusan sa Sorsogon, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat na tinanggap ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), kabilang sa inilikas na mga residente ay naninirahan sa mga Barangay Monbon, Cogon, Amukid, Patag, Sto. Domingo, Talistisan at Mapaso na nasa bayan ng Irosin, Sorsogon.
Ito ang ikalawang paglikas ng mga residente sa mga naturang barangay ngayong linggong ito habang patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Irosin Mayor Lilia Gonzales sa mga apektadong residente.
Sinabi ni Gonzales na dahil sa hindi kayang i-accomodate ng munisipyo ang nasabing bilang ng mga evacuees, ang iba ay dinala sa mga paaralan, barangay hall at simbahan.
Nabatid na labis ang naramdamang takot ng mga residente lalo ang mga naninirahan sa Barangay Cogon bunsod na rin ng pag-apaw ng Rangas River na umabot sa mga kabahayan kung kaya hindi na nagdalawang-isip pang magsilikas ang mga ito.
Patuloy namang binabantayan ng mga kawani ng local na Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang tulay na maaring bumigay dahil sa pagbuhos ng lahar.
Samantalang maging ang mga kalsada patungong Mombon at Cogon ay hindi na madaanan dahil na rin sa mudflow. (Ed Casulla at Joy Cantos)