CAMP CRAME — Napatay sa shootout ang isang lider ng notoryus na robbery/holdup gang habang isa pa ang nasakote sa Barangay Marga sa bayan ng Tubod, Surigao del Norte, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang napatay na si Henry Tulero Medeja, tubong Misamis Occidental at may nakabimbing warrant of arrest sa kasong murder at itinuturong lider ng notoryus na Mayordo Gang na kaalyado ng Kuratong Baleleng Group.
Arestado naman ang kasamahan na si Rodulfo Ulpindo Cortes ng Barangay Liloan ng nabanggit na bayan.
Sa naantalang ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Avelino Razon Jr., naharang ng mga awtoridad sa pangunguna ni PO2 Zosimo Torrecampo Jr. ang mga suspek lulan ng motorsiklo.
Sa halip na huminto ay pinaharurot pa ang motorsiklo at nagpaputok kaya gumanti ang pulisya.
Nagawa pang makapagtago ng mga suspek sa bahay na pag-aari ng pamilya Macalolot subalit naaresto si Cortes habang nakipagbarilan naman si Medeja sa pulisya.
Tumagal ng halos dalawang oras ang palitan ng putok hanggang sa magawang mapasok ng mga pulis ang bahay at nakita ang duguang bangkay ni Medeja sa loob ng banyo. Joy Cantos