Pari itinumba sa kumbento
CAMP CRAME – Maging ang kumbento ay hindi na iginalang ng mga pusakal na kriminal kung saan pinaslang ang isang pari ng Iglesia Filipina Reform Group (Alpha/Omega) na isa ring lider ng katutubong Lumad sa isa na namang karahasang naganap sa bayan ng San Miguel, Surigao del Sur kamakalawa ng umaga.
Nagkabutas-butas ang katawan ni Datu Basilio Bautista Luna, 52, samantala, nabigo naman ang ilang testigo sa pamamaril na mamukhaan ang gunman dahil nakatalikod itong lumayo sa crime scene.
Sa ulat ng Surigao del Sur Provincial Police Office, naganap ang pamamaslang sa kumbentong pinaglilingkuran ng biktima sa Purok 3, Barangay Bolhoon pasado alas-7 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, ilang minuto matapos ang krimen ay namataan ang isang lalaki mula sa loob ng kumbento na lumalakad na may hawak na baril.
May teorya ang pulisya na pagnanakaw ang isa sa motibo ng krimen dahil nawawala ang mahahalagang kagamitan ng biktima kabilang ang P1,500, celfone at mga dokumento na pag-aari ng simbahan.
Nabatid na maliban sa pagiging lider ng katutubong Lumad ay isa ring kilalang aktibong volunteer ang biktima sa isang presinto ng pulisya sa kanilang komunidad. Patuloy naman ang imbestigasyon sa naganap na krimen.
- Latest
- Trending