CAMP CRAME — Pinaniniwalaang paghihiganti ang isa sa motibo kaya tinambangan at napatay ang isang municipal councilor ng mga maskaradong kalalakihan sa binisidad ng Bucay-Penurabia Road sa Sitio Dispensary, Barangay Siblong sa bayan ng Bucay, Abra kamakalawa. Nakilala ang napaslang na si Juanito Zales, habang sugatan naman ang kasamahan nitong si Rex Bringas. Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naitala ang pananambang dakong alas-9:30 ng umaga sa nabanggit na highway.
Napag-alamang nakasakay ng itim na Isuzu pick-up van ang dalawa nang harangin at ratratin ng mga naka-bonnet na gunmen. Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, base sa mga nakalap na impormasyon, lumalabas na paghihiganti ang isa sa motibo ng krimen dahil nahaharap sa mga kasong murder si Zales kaugnay sa pagpatay kina Florianne Bernardez, acting clerk of court ng Regional Trial Court Branch 58; Eduardo Gonzales, chairman ng Barangay. Laguyan; at Eddie Tadeo, chairman ng Brgy. Pagala, ng nabanggit na bayan. Nagsasagawa pa ngayon ng dagdag na follow-up operation ang pulisya para matukoy ang pinaka-utak. Danilo Garcia