BALAYAN, Batangas — Labis-labis ngayon ang pangamba ng mga manggagawa ng Steel Corporation Philippines (SCP) kabilang na ang kanilang pamilya matapos mapabalitang isasailalim sa rehabilitasyon ang naturang kumpanya na pinaniniwalaang nabaon ito sa bilyun-bilyong pisong pagkakautang sa banko.
Ayon kay Nelson Mamangon, presidente ng Steel Corporation Labor Union, nagbibigay ng demoralisasyon sa katulad niyang manggagawa ang balitang kumalat sa posibleng nalalapit na pag-take-over o receivership ng Equitable PCI Bank sa kanilang kumpanya.
“Nangangamba kaming mga manggagawa na maaring magkaroon ng contractualization sa work force kapag tinake-over na ng nabanggit na bangko ang aming kumpanya,” pahayag ni Mamangon.
Ang Steel Corporation Philippines(SCP), na pag-aari ng negosyanteng si Abeto Uy, ang isa sa pinakamalaking pagawaan ng bakal sa Pilipinas, na may singkuwenta porsyentong market share sa coated flat steel roofing.
Nang magsimula ang SCP, umutang ito ng additional capital sa Equitable PCI Bank ng ilang bilyong piso para punuan ang kakulangan sa pondo ng construction ng kumpanya para maging operasyunal ito.
Ngunit tulad ng maraming pagawaan sa Pilipinas, naapektuhan ito ng 1997 Asian Financial Crisis hanggang sa hindi na ito makapagbayad ng kabuuang utang na umaabot sa P7.9-bilyon.
Umabot sa korte ang usapin at kasalukuyang naghihintay na lamang ng kautusan kaugnay sa ipapatupad na rehabilitasyon. Arnell Ozaeta