Papatindi pa ang insidente ng patayan matapos na walong katao ang maitalang pinatay sa loob lamang ng anim na araw sa tatlong bayan sa Abra kung saan ang panghuling biktima ay isang konsehal na pinagbabaril sa lalawigan kahapon ng umaga.
Kinilala ni Abra Police Director Sr. Supt. Alexander Pumecha ang panghuling biktima na si Nilo Sales, konsehal ng Bucay sa naturang lalawigan.
Ang pagpatay kay Sales ay kasunod ng paglikida sa isang babaeng clerk of court sa Bucay nitong nakalipas na Lunes kung saan ayon kay Pumecha ay iniimbestigahan nila ang posibleng koneksyon ng naturang mga krimen.
Sa unang salvo ng linggong ito, isa katao ang pinagbabaril at napaslang sa bayan ng Bucay habang ang tatlong iba pa ay pinatay naman sa Abara, kapitolyo ng Bangued, Abra.
Sa rekord ng pulisya, 50 porsiyento ng mga krimen sa buong rehiyon ng Cordillera ay nagaganap sa Abra at aminado naman ang pulisya na talamak ang patayan sa lalawigan. (Joy Cantos)