BAGUIO CITY — Labindalawang estudyante ang malubhang nasugatan makaraang pasabugan ng granada ng ’di-kilalang lalaki ang isang computer shop, sa harapan ng Saint Louis University (SLU) sa Baguio City noong Martes ng gabi.
Kabilang sa mga biktimang tinamaan ng shrapnel ng Granada ay sina Jan Rafanan Robles, 20; Oliver Calara Padua,19; Tony Ategaera Cardenas,18: Mark Alvin Agyao Guerrero, 23: Pee Jee Iglesias Balegan, 22; Edward Perez Casulla, 25; Alexandre Quijada Villarin,18; Angelo Magsino, 22; Allan Pongtilan Catu, 20; Leeroy Pagador,19 at si MJ Calugdan, 18, na pawang estudyante ng Saint Louis University.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Moises Guevarra, Baguio City police director, naitala ang insidente dakong alas-5:50 ng hapon habang ang mga biktima ay nasa loob ng Control Shift Computer Shop sa may ground floor ng Anita Building sa Bonifacio Road.
Sa salaysay ni June Mi randa, na bago maganap ang pagsabog ay namataan niya ang isang lalaki na nakatayo sa may hagdanan na nakasuot ng camouflage na short pants at pasilip-silip sa nasabing computer shop.
Nakita rin ng ilang bystanders, ang mabilis na pagtakbo ng ’di-kilalang lalaki na papalabas ng nasabing gusali matapos sumabog ang computer shop.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa gang war at fraternity ang naganap na pagpapasabog dahil ang mga biktima ay pawang estudyante ng SLU. Dagdag ulat ni Joy Cantos