CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas — Isang 31-anyos na pamangkin ng ex-mayor ang tinambangan at napatay ng dalawang di-kilalang kalalakihang sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng General Carpio Street sa Barangay Kumintang, Batangas City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Christopher Tambungan, hepe ng pulisya sa Batangas, ang biktima na si Jerry Chua ng Sitio 2, Barangay Balanga, Ibaan, Batangas at plant manager ng Comeo Logistics Services Philippine Corp. sa bayan ng Sto. Tomas. Si Chua ay pamangkin ni ex-mayor Artemio Chua ng bayan ng Ibaan.
Sa imbestigasyon, sakay si Chua ng kanyang Honda CRV (WTL-224) nang harangin at pagbabarilin habang binabagtas ang nabanggit na kalsada bandang alas-2:20 ng madaling-araw. Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo at kung sino ang nasa likod ng krimen. (Arnell Ozaeta)