Iligal rekruter nalambat
CAMP CRAME — Kalaboso ang binagsakan ng isang babae na pinaniniwalaang iligal rekruter makaraang masakote ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa bisinidad ng Don Juan Macaraeg National High School sa bayan ng Asingan, Pangasinan kamakalawa ng umaga. Sa ulat ni Marvin Bolabola, CIDG regional director, kinilala ang nasakoteng suspect na si Rosalie Guerrero, 46, ng Barangay Toboy ng nabanggit na bayan. Ang suspect na nagmamay-ari ng karinderya ay nasakote sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Antonio Carbonel ng San Fernando City Regional Trial Court Branch 27 sa La Union kaugnay ng kasong illegal recruitment at economic sabotage.Wala namang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Guerrero. Kaugnay nito, patuloy naman ang manhunt operations ng mga awtoridad laban sa isa sa mga kasabwat ni Guerrero sa operasyon na si Elsie Busico matapos itong makatakas. Nabatid na nagsipagtago ang mga suspect matapos makakolekta ng milyun-milyong halaga ng placement fees sa kanilang mga inosenteng biktima na umaasa ng trabaho sa ibang bansa. Joy Cantos
- Latest
- Trending